Tore ng Babel sa Makabagong Panahon
Ano nga ba ang aking tinutukoy? Kung nais mong malaman ay makinig ka sa akin. Huminto ka muna sa iyong gawain at masdan ang kapwa mo Pilipino. Mula sa Aparri hanggang sa Sulu, puro tayo mga Pilipino. Bilyun- bilyong mamamayang Pilipino ang nagpapakahirap, nagsisipag at nagsisikap upang makapamuhay ng matiwasay. Tinitiis ang pagod upang makakain ang mga mahal sa buhay. Lahat ay hahamakin upang makaahon sa kahirapan. Ang Pilipinas ay isang arkipelago na binubuo ng libu-libong mga pulo. Sa lahat ng mga pulong ito ay may mga Pilipino. Kahit na napakalayo natin sa isa’t isa, magkakabayan tayo’t magkakadugo. Iisa ang lahing pinanggalingan. Iisa ang hangarin para sa bayan. Iisa tayo ngunit magkakaiba pa rin naman! Ang buhay sa Maynila ay mabilis at kumplikado habang ang buhay sa Siquijor ay simple at mahinahon. Ang piyesta ng Aklan ay ibang-iba sa piyesta ng Quezon kung saan nagsasabit ng mga palamuti sa bahay ang mga tao. Ang paboritong pagkain sa Ilocos ay naiiba sa Bicol Express ng ikalimang rehiyon. Ang wika ng Pampanga ay hindi tulad ng wika sa Pangasinan. Ang isang salitang Tagalog ay maaaring iba ang kahulugan sa Cebuano. Napakalayo, magkakaiba ngunit taglay ang iba’t ibang kulay ng buhay. Ang Pilipinas ay napakayaman sa kultura at sining. Kasama na dito ang wika nating kinagisnan.Minsan na bang pumasok sa iyong isipan kung bakit nagkakaisa pa rin ang Pilipino sa kabila ng pagiging kalat-kalat? Dalawa ang natatanging dahilan kung bakit sama-sama pa rin ang Pilipino sa pagtatayo ng iisang tore sa kabila ng lahat. Una sa lahat, may pambansang wika ang Pilipinas. Oo, gasgas na ang katagang ito. Limot na ang talinghaga ng mga salita sa ating wika. Nahaluan na rin ito ng ibang wika. Nakakalimutan na rin ang mga salitang malalalim at napapalitan ng mas maraming salitang balbal. Sa kabila nito, hindi pa rin ito kailanman mawawala sa ating puso. Bakit? Ang wikang Filipino ay ang mahigpit na lubid na nagdurugtong sa atin lahat. Kahit saan ka pumunta sa Pilipinas, basta’t marunong kang magsalita sa wikang Filipino, meron pa ring mga Pilipino na sasagot at handang tumulong sa iyo. Ang galing! Sa kabila ng iba’t ibang dyalekto ng bansa at layo ng mga pulo sa isa’t isa, ang mga Pilipino ay nagkakaintindihan at nagkakaunawaan. Ang wikang Filipino ay ang pandikit sa pilas-pilas nating mapa. Nakakita ka na ba ng isang “jigsaw puzzle”? Sa simula, ang mga piraso ay nakakalat at nakasabog lamang sa sahig. Matagal ito bago matapos buuin ngunit kapag nabuo ay isang napakagandang tanawin. Kung ang Pilipinas ay isang “jigsaw puzzle”, ang wikang Filipino ay sumisimbolo sa kamay na bumubuo nito. Kung wala ang wikang ito, watak- watak din ang Pilipino tulad ng mga piraso ng “jigsaw”. Ang wikang Filipino ay ang lihiya sa magagaspang nating mga tula. Sa anong wika naisusulat ang mga hiyas sa literatura ng bansa? Diba ito ay sa wikang Filipino? Karamihan sa mga ipinagmamalaki nating akda tulad ng kay Fransisco Balagtas ay naisusulat sa wikang ito kaya’t nagiging napakayaman at makabuluhan ang lengwahe. Napapansin mo ba na kapag ang isang tula ay nasusulat sa wikang Filipino, mas nadarama ng mambabasa ang ipinahahayag ng tula? Mas puno ng damdamin at emosyon ang tulang Filipino kung ikukumpara sa tulang isinulat sa ibang wika. Kapag sinabihan tayo ng “I love you”, hindi ito kasing kalalim at kapani-paniwala kung ikukumpara sa “Mahal kita”. Sa pamamagitan ng wikang ito, mas madaling naipapahayag ng Pilipino ang kanyang niloloob. Kung hindi dahil sa wikang Filipino, hindi natin maiintindihan ang ating mga kababayan. Kung di natin kayang kilalanin ang ating kadugo, paano pa natin makikilala ang ating mga sarili? Simple lang ang sagot dito. Ang diwa ng pagkakaisa ay mawawalan ng saysay. Walo ang pangunahing dyalekto sa bansa. Kung iisa-isahin, ito ay ang Tagalog, Waray, Cebuano, Ilocano, Hiligaynon, Pangasinense, Kapampangan at Bicolano. Iyan ay ang pangunahing dyalekto pa lamang. Kung isasama ang lahat ng dyalekto sa bansa ay mapupuno ang sanaysay na ito ng walang kahirap-hirap. Paano kaya kayo magkakaintindihan ng iyong mga kasama kung tig-iisang dyalekto ang inyong nalalaman at iba’t iba pa kayo sa isa’t isa? Malaki talaga ang tulong na naibibigay ng wikang Filipino sa atin. Sa madaling salita, ang wikang Filipino ay tulay, lubid, pandikit at lihiya para sa mga Pilipino. Napakalaking bagay para sa ating lahat ang ginawa ni Pangulong Manuel L. Quezon. Kung hindi dahil sa kanya, watak-watak pa rin tayo. Ang laki ng utang na loob natin sa ama ng ating wikang pambansa. Bumalik tayo sa pagkakaisa. Ang ikalawang batayan ay ang pinakamakapangyarihan sa ating lahat. Kahit na iba-iba tayong mga Pilipino sa pananalita at pamumuhay, iisa lang ang isinisigaw ng ating mga puso. Matatanaw Siya sa ating mga kilos, kinagawian, salita at pati na rin pangarap. Binubulong natin Siya sa tainga ng ating mga kaibigan lalo na kapag sila’y nalulugmok sa suliranin. Panay ang dalaw natin sa Kanya lalo na kapag Linggo. Napakagarbo ng pagdiriwang ng Kanyang kaaarawan. Sa Kanya tayo umaasa at humihingi ng tulong sa araw-araw. Sino pa ba? Sino pa ba ang pinupuntahan? Sino pa ba ang minamahal ng lubusan? O Hesus! Ikaw ang aming buhay! Napakatibay ng pananalig ng mga Pilipino sa Kanya. Kahit Waray o Ilocano, iisa ang tibok ng pusong Pinoy. Si Hesus, at tanging Siya lamang ang ating Panginoon. Mawala na ang lahat sa atin, huwag lang tayo mawalan ng pananalig sa Kanya. Sa lahat ng pulo sa Pilipinas, hindi mawawala ang matandang simbahan na binibisita ng lahat. Hindi mawawala ang mga rosaryo’t imahe ng santo sa mga jeepney at traysikel. Hindi mawawala ang mga deboto. Hindi nawawala ang tatak ng pagiging Katoliko saan mang sulok ng bansa pumunta. Nakilala nga ang Pilipinas bilang unang Katolikong bansa sa Timog Silangang Asya. Kahit magkakalayo tayong mga Pilipino, nagkakaisa tayo sa pananampalataya sa Kanya. Sabi nga sa kanta, “Isang pananampalataya, isang pagbibinyag.”
Ang mga sinaunang tao ay di nagtagumpay sa layunin nilang makasarili. Hindi nila naitayo ang Tore ng Babel. Hinarangan sila mismo ng Amang Maykapal. Pareho lang ba ang kahahantungan ng pagsisikap ng mga Pilipino ngayon? Mabibigo din ba tayo? Hindi. Ang Tore ng makabagong Pilipino ay nagsisimula pa lamang ngunit ito’y magtatagumpay. Bakit ako nakasisiguro? Una sa lahat, kasama natin ang Panginoon sa pagkakataong ito. Ang nais lang naman ni Hesus ay maisalba tayo mula sa kasalanan at maipalaganap ang Salita ng Diyos. Ang pagkakaisa ng mga Pilipino di lamang sa relihiyon kung hindi sa wika rin mismo ay nangangahulugan ng pagtitiwala sa isa’t isa. Kung walang pagtitiwala, walang pagmamahal. Ang pagmamahal natin sa kapwa Pinoy, sa Inang Bayan at sa wikang Filipino ay katibayan ng tagumpay ni Hesus. Ang pagmamahal sa kapwa Pilipino at sa sariling wika ang daan tungo sa tuktok ng tore. Ang tuktok ay ang kaunlaran na hinahangad ng bawat Pilipino di lamang para sa kanyang sarili kundi para rin sa susunod na henerasyon. Ang tuktok ng tore ay ang tagumpay laban sa mahigpit na kapit ng kahirapan. Kung isasapuso lamang ng lahat ng Pilipino ang kanilang wika, tayo ay may mararating. Kung pagyayamanin at lubusang mamahalin lang ng mga Pinoy ang sariling wika, isang malaking hakbang na ito patungo sa tuktok. Huwag nating hayaan na mabaliwala ang lahat ng naipundar sa ating wika. Ipagmalaki natin ang wikang Filipino! Ang lahat ng ito ay nagsimula lang sa isang kahanga-hangang ginoo na naghangad ng pagkakaisa. Ang mukha’t ngalan niya ang siyang nakikita natin araw-araw tuwing magbabayad ng dalawampung piso sa tindahan.

Leave a Reply
You must be logged in to post a comment.