Najee 1

I.                   Mga Gawain kasama ang sanggol/ Bilang/Petsa ng Linggo:Noong ika-26 ng Agosto, 2007, sinakay ko si Najee sa Pasig River Ferry kasama ang kanyang tita at lola. Pumunta kami sa Escolta at kumain sa isang matandang kainan doon. Sumakay ulit kami papuntang Guadalupe at mula roon ay nagpunta sa SM Megamall para mamili. Bago kami makasakay muli sa ferry ay hinarang ako ng guwardya at tinanong kung ano ang laman ng bitbit kong kahon. Mabilis naman akong nakaisip ng sagot upang makalusot at hindi isipin na ako’y nababaliw na dahil may dala-dala akong itlog. Noong ika-27 naman ng Agosto, ako’y tuwang tuwa sa aking anak kaya kinuhanan ko siya ng kinuhan ng litrato sa tulong ng pamangkin kong itinuring si Najee na Barbie doll. Nanood at nagbasa rin kami ni Najee. Noong ika- 1 ng Setyembre, maaga kaming umalis kasama ang lola ni Najee. Pumunta kami sa URC sa Malolos, Bulacan. Habang may inaasikaso ang lola ni Naj, ipinasyal ko muna siya sa Barasoain Church na malapit lamang.  II.                 Repleksyon at Natutunan:Una sa lahat, natutunan ko na mahirap palang mag-alaga ng anak dahil kailangan mo siyang dalhin palagi. Hindi maaaring iwanan at nakakangalay ng kaunti kapag bitbit palagi si Najee. Kinakabahan na rin ako tuwing mawawala siya sa paningin ko. Kahit na sa totoong buhay ay itlog lamang siya, nagiging mahalaga na rin sa akin si Najee. Natutunan ko na kailangan kong mag-ingat ng mas mabuti dahil hindi na ako nag-iisa ngayon. Kailangan kong mag-ingat tulad nung nangyari sa may guwardiya ng ferry dahil baka pag-isipan ako at si Najee ng masama sapagkat hindi siya normal na bata. Nung nasa SM naman kami ay panay ang iwas ko sa mga batang nagtatakbuhan dahil ayokong matamaan si Najee. Nakakakaba pala talaga kapag may anak ka na. Mas mahirap naman talaga kung kailangan pang pakainin, patulugin at alagaan kapag may tunay na kong anak. Masaya ako ngayong mga nakalipas na araw dahil natutuwa ako kapag linalaro ko at kinukuhanan ng litrato si Najee. Hindi ko na pinapansin masyado ang mga tao kapag nakatingin na sa amin. Napag-isip-isip ko rin na sa hinaharap ay gusto kong dalhin ang magiging anak ko sa mga makasaysayang lugar tulad ng Barasoain na pinuntahan naming ni Najee. Mas mapapahalagahan namin ang kasaysayan kung siya kami mismo ang makakapunta roon. Mas maaalala naming ang kahulugan ng mga bagay bagay.

~ by erulisse123 on April 4, 2008.

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.