Salamin, Salamin

“Salamin Salamin, sabihin sa akin kung sino ang pinakamaganda sa balat ng lupa.” Haaay, tuwing kaharap ng kabataan ngayon ang mga salamin, tila ito ang kanilang sinasabi. Kapag sumagot yan ,hala! Patay patay ka! “Vanity affair” Saan ba nanggaling ang pariralang iyan?! Kapag binuksan mo ang mga magazine, ano ba ang iyong makikita? Ano pa nga ba kundi ay isang damukal na mga advertisement ng anti-aging body scrub, anti toxin exfoliate, pearl cream, toner, cleanser, body peeler, milk lotion, pimple clearing speed gel, detox, skin whitening toner, skin rejuvenating lotion, hydroxyl masks, beauty color powder, moisturizer, concealer at iba pa. Pangalan pa lamang, nakakahilo na. Sakit na rin ba ito ng lipunan ngayon? Lalo na ng kabataan? Bumaba ako sa may cr nung isang linggo. Nakakita ako ng mag-aaral na nag-aahit ng kilay. Dati naman, nakita namin ni Nerissa na naglalagay pa ng blue nail polish ang ilang mag-aaral sa kanilang mga kuko doon rin sa cr na iyon. Bago makalabas ng silid ang estudyante ngayon, kailangan munang magsuklay, magpowder o para umikli, magpaganda. Kagandahan. Paano pa ba natin ito nasusukat sa panahon ngayon. Sa kilos ng ilan, tila sa mukha na lang talaga natin masusukat ang tunay na kagandahan. Oo naman, kailangan natin maging malinis sa sarili. Kailangan nating maging mabango at maayos tignan. Siyempre, kasama na rin dyan ang pag-aayos ng sarili para magmukhang kaakit-akit. Wala namang masama sa pag-aayos ng sarili ngunit kailangan natin malaman kung saan ang hangganan. Hindi naman bawat minuto ay kailangan nating magsuklay. Kung nasa simbahan ka o ano mang pampublikong lugar, hindi rin kanais-nais na magsuklay. Ang iba sa atin, sa hagdan nagpupulbos. Kamusta naman iyon? Ang mahalaga lang naman ay nasa tamang lugar at tamang panahon ang pag-aayos. Hindi na tama na maging sagabal ang pag-aayos upang magawa mo ang mas makabuluhang bagay. Hindi na tama na tuwing matatapos ang isang asignatura ay nagpupulbos ka nanaman. May ilang mga mag-aaral na naglalagay ng make-up kahit sa paaralan pa. Hindi rin tama iyan. Saksi ako dyan sa mga mag-aaral na naglalagay ng pasimpleng eye-liner at blush. Hellooo?? Gaano ka ba kapangit at kailangan moh pang mag make-up pati sa paaralan? Lahat naman tayo ay may mukhang katanggap tanggap at kaakit akit. Ang pinakamagandang make-up mo ay ang iyong matamis na ngiti. Kung may tiwala ka sa iyong sarili at may dala kang pagmamahal at kasiyahan sa iyong puso, kusang lalabas ang iyong tunay na kagandahan. Sa bawat yapak ng iyong paa, dala dala mo ang sinasabi nilang “self-confidence” na walang ibang produkto ang makakatalo. Bitawan mo na iyang salamin na iyan. Ano bang malay niyan? Hindi niyan masusukat ang iyong tunay na kagandahan. Magtiwala ka lang sa iyong sarili, sapat na iyon kaysa sa kung anu anong mga cream na tinatadtad mo sa iyong mukha. Huwag kang magpatalo sa stress at sa laban ng buhay. Ang solusyon lang dyan ay ang ngiting mula sa iyong puso.

~ by erulisse123 on April 4, 2008.

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.